Napansin ko na iba ang lumalabas sa bibig ko kapag nag-Tatagalog ako. Kumbaga parang ibang personalidad o ibang uri ng pag-iisip. Kase kapag Ingles, lumalabas yung pagiging seryoso ko. Marahil ay naihahalintulad ko ang Ingles sa lenggwaheng ginagamit ng mga dalubhasa kaya iyon ang ginagamit ko.

Sasabihin ko na rin, tamad akong mag-pi-pindot sa keyboard ng maraming letra, kaya Ingles ang gamit ko. Atsaka ayokong gamitin ang salitang Filipino para tukuyin ang pambansang wika. Bakit? Dahil kahit anong kilatis gawin mo, Tagalog ang puno't dulo niyan.

Kaya mag-Tatagalog ako.

At ngayon, ibubunyag ko na hindi isang linggo ang itatagal nito, kundi isang buwan! Matagal ko na ring pinabayaan ang paggamit ng Tagalog (hah! Tagalog!). Kaya sa isang buong buwan ng Marso, ito ang gagamitin ko.

Gusto ko ring malaman sa eksperimentong ito kung hanggang saan ang kahihinatnan. Mag-iiba ba ang kulay ng aking paligid? Ang mga tula ko ba'y mag-iiba ng diwa?

Diyan ako nasisiyahan. Tingnan ko kung anong klaseng mga kataga ang mamumutawi sa aking labi kapag ganito ako magsalita.

Tama na muna ang Ingles. Pinoy ito. Walang kokontra!