Ang alam ko, walang tatalo sa lahat ng salita sa mundo ng gagaya sa dalawang salitang ito. Oo nga, may "I love you" na kaya mong sabihin sa samu't saring paraan. Kahit di mo nga sabihin e, may paraan para sa tatlong salitang yaan. Tatlo? Haha, ang gastos naman sa salita.
Basta. Para sa akin, mas makapangyarihan ang sabihin yung "Mahal kita". Di ko lubos masabi kung bakit, pero siguro sa kadahilanang mas masasabi mo ito ng may damdamin, sa mga salitang tayo lang mga Pinoy ang kayang magsabi na parang langit na ang katapat o hihigit pa.
Ikaw? Kaya mo bang sabihin ito ng nakatingin sa mata ng yong minamahal at sabihin ng walang alinlangan at pagkukunwari? Ako? Sa totoo lang "I love you" gamit ko e, noon pa. Parang ang duwag no? Andami na kasing nagsasabi nito kaya parang gasgas na.
Pero ang "Mahal kita". Iba pa rin ang dating.
Mahal kita, alam mo ba?Walang katuturan ang pagmamahal kung ikaw ay duwag. Oo nga, marami kang magagawa para sa mahal mo. Oo nga, kaya mo ngang buhayin ang tatlo pang pamilya. Pero kung di niya alam, wala rin yan no. Kahit na alam niya na mahal mo rin siya. Kumbaga parang patunay yan na may hugis yung nararamdaman mo. Mahal mo nga, pero ang akala niya turing kapatid. Saket di ba? Hehe!
Mahal kita, wala nang iba.Nakupo, sa dinami-dami ng storya ng mga kerida at pangangaliwa na maririnig mo sa bading sa parlor, di ka pa ba maniniwala dito? Oo, kaming mga lalaki ang madalas na salarin sa ganitong klaseng pagkukulang. Sabihin natin na oo, lahat ng lalaki puro tonteng ang alam. Sabihin na natin na oo, ang katauhan ng lalaki ay magkaron ng maraming babae. Kaya swerte mo kung mas malaki ang kokote ng mahal mo kaysa sa yag-ba niya. Kasi pag ganun, alam mo kung saan napupunta ang dugo. Kung sa ulo napupunta yun, hatawin mo lang matatauhan na yan. Pero kung sa dalawang kulintang pumupunta dugo niyan, titiklop lang yan pero di matatauhan.
Hay nako. Basta, bahala na kayong mga babae na pumili. Kanya-kanyang desisyon rin yan e. Sino ba ako para manghusga di ba?
Mahal na mahal kita.Oo na. Romantiko akong tao. Pinanganak akong ganun e. Dati nung bata pa ko, binibigyan ko ng gumamela ang nanay ko. Shempre pa, pinitas ko yun sa hardin ng kapitbahay na hindi alam kung bakit nanlalanta na yung halaman niya. Tanda ko pa noon e, iba't iba yung kulay ng gumamela. May dilaw, may pula, may puti. Sa totoo lang ang ganda ng bulaklak na yun. Simple, makulay, at mayumi. Wala nga lang bango. Yung sampaguita naman andaling malagas. Lalo na yung calachuchi.
Ako? Andami ko ring napagdaanan. Di rin nga naman ako matalino sa mga ganyang bagay e kase di rin ako ganun kadaling matuto. Ang alam ko lang ay darating ang panahon ko, na ako magsasabi niyan habang hawak ko mga kamay at nakatingin sa mata niya.
Mahal kita. Sa isang daan at walang dahilan.Iyon! Gagawin ko yon!