by joycey of hifiNag-iisa na naman ako. Nakakulong sa kwarto, nilulunod ang sarili sa himig ng aking radyo. Napatingin ako sa monitor ko. Andun ang larawan ng aming canteen sa Bene na kinunan ko para sa project namin sa PA. Dahil sa pagliliwaliw, naisipan kong hanapin ang iyong mukha sa madla. Saka ko lang napagisip-isip na sa may grandstand ka pala tumatambay. Natawa ako sa sarili ko. Naisip ko, bat ba kita hinahanap? Ang alam ko, wala naman talaga akong gusto sa'yo. Nagsimula lang talaga yon sa mga biro-biro.. Ah, mga biro nga naman.
Di mo minsan mahuhulaan kung anong pwedeng maging epekto nito sa tao. Ewan.. Sa'yo, ano kaya naging epekto ng mga biro ko dati sa'yo? Kasi pakiramdam ko, parang di na biro ang nararamdaman ko e. Yak, oo, korni na'ko. Hindi nga natural sa'kin ang pagsulat ng mga ganitong bagay.
Habang tinatanto ko ang mga salitang iyon sa aking isipan, naisipan kong kumuha ng kumot dahil tumatalab na ang lamig sa aking katawan. Mga tatlong kanta na ang napapatugtog sa radyo. Karamihan ng mga kasama ko sa bahay ay tulog na.. Marahil kami na lang ng pinsan ko ang gising. Marahil parehas kaming may iniisip. Siya, iniisip niya malamang si Pam.
Ako? Iniisip ko? Ewan.. Ikaw kaya? Siguro. Nakakatawa noh? Sa dinami-dami ng "boylets" ko, ikaw ang naisip kong isipin. Kung tutuusin, ikaw lang din ang naiiba sa kanila. Sila kasi, matangkad, medyo maputi at medyo chinito. Ikaw? Maliit, medyo maitim at normal ang laki ng mata. Ang labo no? Ano naman kaya ang nagustuhan ko sa'yo? Haay.. Ang korni ko na talaga. Maraming palaisipan na ang naglalaro sa utak ko. Tiningnan ko ang relo ko, at nakitang mag-uumaga na. Haay, hindi pa rin ako dinadalaw ng antok, naisip ko. Ngunit ng oras na iyon, napahikab ako. Ibinaling ko na lang ang atensyon ko sa monitor, patuloy ang pagsulat ng mga nasa isipan ko.
Yan tuloy, nasulat kita.
Nang mga oras na iyon, bumalik sa isip ko ang mga nangyari nung nag-outing ang pangkat nating kina Santi. Lalo na nung nag "bonding sessions" tayo. Nung naturo sa'yo yung bote, natahimik ako. Inisip ko agad kung ano ang sasabihin ko sa'yo, kahit di pa ako yung magsasalita. Alam ko na inaasar ako nina Balugs non. Oo, tinatanggi ko ang mga pang-aasar nila. Pero sa loob-loob ko, ano ba talaga? Sa aking pag-iisip, nakatulog ako ng saglit. Ni di ko napansin na ako na pala ang magsasalita. Inasar na naman nila ako, pero itinawa ko na lang iyon.
Habang nagsasalita ako ng tungkol sa'yo, hindi ako makatingin sa'yo. Ewan ko nga e. Bakit kaya? E dati naman halos utus-utusan kita saka dinadaldal kita. Ngayon ni
tingnan ka lang, di ko magawa. Nang si "Tita Anna" na ang nagsalita, nagulat ako ng itinanong niya kung "girlfriend material" ako. Dahil hindi ko alam ang sasabihin mo, itinago ko na lang ang mukha ko sa unan, ngunit sumulip ako ng kaunti upang makita ko kung ano ang reaksyon mo. Ikaw naman, nakangiti ka lang. Nakakaloko ka talaga. Ngunit nagulat ako ng bigla kang tumungo at sinabing oo. Dinugtungan pa ni Ms.G ang tanong niya..
"Sa tingin mo, liligawan mo siya?"
Oo, inaamin ko na sa mga oras na iyon ay medyo kinikilig na ako, ngunit hindi ko ipinakita iyon. Napangiti na lang talaga ako sa'yo ng sumagot ka ng oo. Ngunit hindi ako umasa - alam kong iba ang iyong gusto, pero pinipilit ko ang sarili ko sa iyo. Pasensiya na ha? Sakto naman na pinapatugtog sa radyo yung isang kanta na nakaka-"senti". Bumalik ako sa pagsusulat at patuloy ako sa pag-isip sa mga nangyari. Nang ako na ang naturo, tumahimik ako upang pakinggan ang mga sasabihin niyo. Oo nga pala, salamat pala sa mga sinabi niyo; pangako na babaguhin ko ang mga masasama kong ugali.
Nang ikaw na ang nagsalita, tumigil ako. Naisip ko, ano kaya ang sasabihin mo? Sinabi mo rin yung mga sinabi nila. Kaso nagulat ako ng dugtungan mo ng, "nagulat nga ako nung sabay kaming nakatulog sa simbahan, natutulog nga siya sa balikat ko, magkapatong yung ulo namin."
Nagulat ako. Hinalukay ko ang aking alaala. Nangyari ba iyon? Ang naalala ko lang kasi ay nakatulog nga ako, pero hindi ako sumandal sa balikat mo. Ngunit hindi natuloy ang paghahanap ko ng alaala dahil nagsimula na naman akong asarin nila. "Soul mates!" ang sigaw ni Aiza sa tabi ko. Soul mates? Natawa ako. Ngayon lang tayo naging close e..
Pero.. Pwede rin. Hahaha. Oo, alam kong napakababaw na ng mga naisusulat ko. Dahan dahang lumalamig ang panahon sa kwarto ko. Hindi na kinaya ng kumot na sanggain ang lamig na galing sa electric fan. Naisipan kong patayin ang kompyuter. Masyado ng malalim ang gabi, kailangan ko pang matulog, naisip ko. Pagkapatay ko ng kompyuter, naghanda na akong matulog. Habang nakahilata ako sa kama ko, natulala ako sa may kisame namin. Naisip kita.
Kinilig man ako sa mga sinabi mo, ayoko pa ring umasa dahil baka masaktan lang ako. Ngunit, naisip ko, bat di ko kayang subukang masaktan? Wala namang mawawala sa akin. Pero mababaw lang naman ako. Naisip ko yung huling text mo sa'kin.
"Mamimis kita..."
At sa mga sandaling iyon, hindi ko namalayan na nakatulog na'ko.
--
Nothing like puppy love, hehehe - Quents